Salita

‘Wag kang mag marunong.
‘Wag mong isiping ayos lang mag sambit ng mga bagay na masasakit
maitaas lamang ang sarili mo.
Hindi mo ba naiisip na napakatalas ng mga salita?
Hindi mo siguro alam na nakapatay ka na.
Marahil ay hindi mo nga alam.
Kung hindi mo nga alam, maaari ba kitang tawaging mangmang?
Manghuhusga, tumigil ka na.
‘Wag ka nang mag-imbita ng karadagdagang kasapi na magdudulot ng giyera.

Iba ka

Kapag sinusubukan nilang durugin ang iyong pagkatao, huwag mo silang patulan. Laging tandaan na hindi kasing baba nila ang uri ng karakter mo. Hindi naman sa hindi ka lalaban, pero hindi sa masalimuot na paraan ang iyong pakikipag himagsikan. Lumaban ng may utak at ipakita sa kanila na hindi lang nasusukat ang pagkapanalo sa pagiging Ilustrado.

Ipakita nang may kababaan na kayang mapagtagumpayan ang anumang laban kahit ang nilalabanan ay ipinamumukha sa iyo na katiting lamang ang silbi mo sa mundong ito. Huwag padadaig sa ganitong paninira dahil mas kilala mo ang sarili mo. Hindi ka hamak na tao. Tumayo at tumindig ng pirmis at idilat ng mabuti ang mga mata para makita ng maigi na ang silbi ay higit pa sa yaman na ipinagmamayabang ng walang pusong mayaman.

Maaring umiyak sandali, pero huwag hayaang magmukhang kaawa-awa ang sarili dahil ito ay hindi totoo. Matutong tingnan na importante ang linis ng kalooban upang mabuhay ng mapayapa. Huwag magpahabol o magpalamon sa mga salitang ibinabato ng mga tao sa paligid mo. Hindi sila ikaw at hindi ka sila. May sarili silang paniniwala na sana ay hindi mo magaya. Manatiling matalino sa pakikipagkapwa tao. Manatiling tahimik gaya ng isang henyong nag-iisip at huwag tutularan ang kaingayan ng sambayanang nagmamang-maangan na kunwari ay mayroon silang katalinuhan.

Iba ka.

Naisulat sa Isang Papel

Nakaupo akong mag-isa sa mesa, hinihintay ang aking kasama,
tumingin sa tabi at may nakitang papel, inusisa at binuksan at
ako’y nagulat sa aking natuklasan. Heto at ibabahagi ang kanyang nilalaman.

“Mahal kita, aalagaan kita ang palagi nilang sinasabi.
Hindi ko mawari, ito ba ay totoo o hindi.
Hanggang sa mapunta sa kababababaan,
pagmamahal, pagaalaga di mapatunayan.
Mapapaisip na lang, tunay ba o imahinasyon lang?
Ni hindi makalapit, hindi makapagsalita
paano magpapasya kung ako’y magtitiwala?
Pamilya raw ngunit walang pakialam.
Kaibigan raw ngunit di man lang alam ang pangalan.
“Hayaan mo na,” palaging naririnig
paano lalaban kung walang tumitindig,
tumatayo para sa iyo, ipagpapatuloy pa ba ang laban ko?
Mga magaling na nilalang, wari ko’y mga manghuhulang nakakabatid ng aking isipan.
Mga henyo na alam ang lahat ng nasa guni-guni,
parang palaging nakabantay kahit hindi.
Nasaan na ang pinagmamalaking pagpapakumbaba?
Nasaan na ang pag-aaruga?
Sa kalayuan lang ako’y pinagmamasdan
pero kung makapanghusga’y nasa malapitan.
Nangungunang humatol, nangungunang humusga,
nagungunang mag-isip ng hindi tama.
Sa kanilang pinapakita ang aba’y nalilito na,
dahil iba ang sinasabi ng labi sa kanilang ginagawa.
Nakakalungkot na ang mga taong pinagtiwalaan mo, may hangganan pala ang tiwala sa iyo.”

Nang matapos basahin, nalungkot ako
kaya umalis na lang at hindi na nahintay ang kaibigan ko.

nagsulat ang ilong ko

Isinulat ang pangalan mo sa isang pirasong papel na naglalaman din ng pangalan ko.
Wala nang ibang laman, tanging ang ating pangalan
at ang milyong alaala, amoy, tinig at himig na hinuli ko habang magkasama tayo.
Nirolyo ang papel at isinilid sa bote
pagkatapos ay inihagis sa dagat habang ako’y namamasyal.
Hindi na ito pinagmasdan, kung lalayo o lulubog man wala na akong pakialam.
At kung dalhin ito sa kung saan man, may makakuha at ito’y buksan,
sana, sana madama, maamoy at marinig
na sa bawat titik ng mga pangalang nariyan,
may higit na milyong alaalang nagpapatunay
na kahit minsan, nagkasama… kahit panandalian.